Wednesday, April 20, 2011

Pagtalakay sa mga Katangiang Promdi

Pagtalakay sa mga Katangiang Promdi
Tomasino_Scholar

“Promdi” –  hango sa pariralang Ingles na “ from the province,” na naging pangkalahatang tawag sa mga nangahas makipagsapalarang mag-aral sa Metro Manila. Badoy kung sila’y manamit at may punto kung magsalita. Karaniwang sila’y tahimik at hindi hasa sa mga makabagong pasilidad kayat naglipana ang pananaw na salat sila sa kaalaman. Ganito mang tignan ang mga “Promdi,” ngunit higit pa riyan ang lahat. May mas mahahalagang bagay pang dapat malaman tungkol sa kanila.

            Totoong naiiba sila sa maraming bagay. Mula hitsura hanggang pananamit, iba. Karaniwang hindi kaputihan ang kanilang kutis. Higit pa sa ito’y dahil sa “genetics”, dala na rin ito sa tawag ng pampamilyang hanapbuhay kung saan kailangan mabilad sa araw kagaya sa pagsasaka. Tandaan na ang kulay ay representasiyon ng buhay kaya hindi dapat ito ikahiya. Sakatunayan, ito ang nagpapakita ng kasipagan sa lahat ng pagkakataon at buong determinasyon upang makaahon sa buhay.

 Kasama ng maitim na kutis ang badoy na pananamit. Wala silang kaalam-alam sa tinatawag ng marami na “fashion.” Hindi nila pinagtutuunan ng pansin ang kombinasiyon ng mga kulay at kung ano ang mga uso.  Para sa kanila, basta may maisuot, tama na. Nangahas nga silang pasukin ang mundo kung saan hitsura ang isa sa mga batayan ng katayuan sa lipunan. Ngunit hindi ito ang kanilang priyoridad. Mas marami pang bagay ang dapat unahin kaysa sa mga luho para sa kanila.   

Likas rin sa mga “Promdi” ang pagkakaroon punto kung magsalita dala na rin ng dialekto kung saan sila namulat. Iba ang pagbigkas nila sa mga salita, madlas napapatigas, sa Ingles man o Filipino. Ginagaya man at ginagawang katatawanan ng mga taga-siyudad ang kaibahang ito ng mga “Promdi,” hindi ito hadlang sa pagpapahiwatig nila sa kanilang kaisipan, kaisipang tumatalakay sa realidad ng buhay.

Ilang katangian ng mga “Promdi” ang pagiging tahimik at madalas mag-isa. Hindi sa wala silang masabi o hindi sila palakaibigan, kundi nangangapa pa sila sa kung anong ugali mayroon ang mga bagong mukhang sumasalamin sa makabagong mundo. Nangangalap pa sila ng lakas ng loob upang buong pagmamalaki nilang mailantad ang tunay na pagkataong magbubukas ng mga opurtunidad para sa kanila.

Dahil sa mga liblib at luntiang kapaligiran sila lumaki, patunay  ito na hindi sila hasa sa mga makabagong pasilidad. Maswerte na sila kung naabot na sila ng “cable,” “cellular sites,” at “internet connections” na naging malaking katuwang nila sa pagtawid tungo sa mas malawak na mundo. ngunit hindi nakukuha ang lahat ng karunungan sa mga teknolohiyang ito. Malaking tulong ang nagawa ng mga gurong nag-aral sa siyudad at piniling maglingkod sa mga bayan upang makasabay kahit papaano sa mabilis na agos ng karunungan.

Ngunit ang dapat na maituwid ay ang pananaw na ang mga “Promdi” ay salat sa kaalaman. Naging basehan ng pananaw na ito ang halatang kakulangan sa mga kagamitang katulong ng mga guro. Isama na rin ang lantarang higit na pagtutok sa mga paaralang nasa mga siyudad kaysa sa mga naghihingalong bayan. Dahil sa sitwasyong ito, naging mas malawak ang agwat ng karunungan ng mga mag-aaral sa siyudad at mga “Promdi.”

May bahid ng katotohanan ang mga puntong ito ngunit hindi ito sapat para magbigay ng pangkalahatang konklusyon sa estado ng mga “Promdi.” Kapansin-pansin naman na karamihan sa mga “Promdi” ay scholar ng mga tanyag na paaralan. Ito ay dahil mas maraming “Promdi” ang nakikitaan ng potensiyal na magtagumpay kaya sa mga tag-siyudad. May mas maliwag na direksyon silang tinatahak at mas may pagpapahalaga sila sa karunungan.

Mahirap talagang intindihin ang mga “Promdi” dahil na rin sa ibang kultura, tradisyon, at kapaligiran sila nagkaisip at lumaki. Ngunit ang kaibahang ito ay hindi dapat maging dahilan upang lumawak pa ang agwat na naghihiwalay sa mga pananaw ng magkabilang mundo. Huwag maliitin ang kanilang kakayahan. Kahit papaano, kaya nilang pumantay at makipagsabayan sa kahit kanino man, sa kahit anuman. Upang maipakita na mayroon din silang ibubuga, pagkakataon lang ang kailangan nila. Sabihin mang napag-iiwanan na sila, sa sipag, tiyaga, dterminasiyon, talento, at talino ng mga “Promdi,” hindi malayong sa mga susunod na araw, sila na ang titingalain at gagalangin sa mga larangang minsa’y hanggang pangarap lang.  

No comments:

Post a Comment